Ngunit ang binhing nalaglag sa mabuting lupa ay nag-uhay: may tigsandaan, may tig-aanimpu, at may tigtatalumpung butil ang bawat uhay. Ang may pandinig ay makinig.” (Mt. 13:9).Huwag sayangin ang grasya at biyaya ng Diyos.
Araw-araw ang Diyos ay nagpapala sa atin ng maraming bagay, pero binabalewala natin ang kagandahan at kabutihan ng Diyos dahil na-aaliw tayo sa mga makamundong bagay at makamundong kaligayahan. Marami sa atin na nakontento na lang sa mga palabas ng “social media”. Wala ng panahon para magnilay, magdasal at magpasalamat sa Panginoon. Naging makasarili na lang tayo. Sarili na lang ang iniisip hindi na ang kalooban ng Diyos.
Paano ba tayo lalago sa ating pananampalataya kung ang puso natin ay hindi handa sa mga paghahasik sa mga biyaya ng Diyos. Sa panahon ng banal na Misa, hindi man lang natin pinakinggan ang Salita ng Diyos. At kung hindi natin pinakinggan ang kanyang Banal na Salita, paano ito lalago sa buhay natin. Ang salita ng Diyos ay gabay sa ating pamumuhay upang maging masagana ang ating Kristiyanong pamumuhay.
Ang ating ebanghelyo sa Linggong ito, ay nagpapa-alala sa atin na ang grasya ng Diyos ay hindi magbunga, hindi lalago sa buhay natin kung hindi tayo maging mabuting Kristiyano. Ang mabuting Kristiyano ay handang limutin ang kanyang sarili upang si Kristo ang maging sentro sa kanyang buhay. Tulad ng binhi na nalaglag sa mabuting lupa, ito’y namatay at nagbunga. Isang binhi, pero nagbunga ng marami. Walang bunga, o hindi lalago ang buhay natin kung hindi si Kristo ang sentro sa buhay natin.
Kung ating isasabuhay ang ating pagka-Kristiyano, ito ang daan sa ating kasaganaan. Kasaganaan na hindi lamang materyal, pero kasaganaang buo. Tunay na buhay. Gusto natin na maging masagana ang buhay natin. Bilang OFW, pangarap natin na umunlad ang buhay natin. Kung gusto natin ang buhay na sagana, dapat maging “mabuting lupa” tayo, ibig sabihin, maging mabuting Kristiyano tayo.
Naghahasik ang Diyos ng kabutihan, pero hindi ka naman nagbago sa buhay mo. Lalago lamang ang salita ng Diyos kung ang puso natin ay maka-Diyos.
Father Jay Flandez SVD









